Saturday, June 7, 2008

Pahayag 18 (Revelation)

Pahayag 18 (Revelation)
Bumagsak ang Babilonya
1Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na may malaking kapamahalaan. Ang kaniyang kaluwalhatian ay nagliwanag sa lupa. 2Siya ay sumigaw sa isang napakalakas na tinig at sinabi niya: Bumagsak na! Ang dakilang Babilonya ay bumagsak na! Ito ay naging isang dakong tirahan ng mga demonyo. Ito ay naging isang bilangguan ng bawat karumal-dumal na espiritu at bawat karumal-dumal na ibon na kinapopootan ng mga tao. 3Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bansa ay uminom ng alak ng poot ng kaniyang pakikiapid. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya. Ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman sa kahalayan ng kaniyang kayamanan.
4Pagkatapos, nakarinig ako ng isa pang tinig mula sa langit na sinasabi: Mga tao ko, lumayo kayo sa kaniya upang hindi kayo madamay sa kaniyang mga kasalanan, at upang hindi ninyo tanggapin ang kaniyang mga salot. 5Ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatong-patong hanggang langit at naalala ng Diyos ang kaniyang masasamang gawa. 6Ibigay ninyo sa kaniya ang anumang naibigay niya sa inyo. At bayaran ninyo siya ng makalawang ulit ayon sa kaniyang mga gawa. Ang saro na kaniyang hinalo ay haluin mo ng makalawang ulit para sa kaniya. 7Sa halagang ipinangluwalhati niya sa kaniyang sarili at namuhay sa napakalaking kayamanan, sa gayunding halaga ay bigyan ninyo siya ng paghihirap at pananangis. Sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso: Ako ay umuupo bilang isang reyna at hindi bilang isang balo. At kailanman ay hindi ako makakakita ng pananangis. 8Kaya nga, sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating sa kaniya. Ang mga ito ay kamatayan, kalumbayan at kagutuman. Siya ay susunugin nila sa apoy sapagkat ang Panginoong Diyos ang hahatol sa kaniya.
9At kapag makita nila ang usok na pumapailanglang mula sa pinagsusunugan sa kaniya, ang mga hari sa lupa ay tatangis at mananaghoy na para sa kaniya, sila yaong mga nakiapid sa kaniya at namuhay sa napakalaking kayamanan. 10Dahil natakot sila sa pahirap sa kaniya, sila ay tatayo sa malayo. Sasabihin nila: Aba! Aba! Ang dakilang lungsod! Ang Babilonya, ang malakas na lungsod! Sapagkat sa loob ng isang oras ang iyong kahatulan ay dumating.
11At ang mga mangangalakal sa lupa ay tatangis at magluluksa para sa kaniya. Sila ay tatangis sapagkat wala nang bibili ng kanilang mga kalakal. 12Ang kanilang mga kalakal ay ginto, pilak, mamahaling mga bato at mga perlas. Kabilang dito ay mga kayong linong tela, kulay ubeng tela, sutlang tela, pulang tela at mabangong kahoy. Kabilang din ay mga bagay na ginawa mula sa garing at lahat ng uri ng bagay na ginawa mula sa napakamamahaling kahoy. Kabilang pa rin ay mga bagay na ginawa mula sa tanso, bakal at marmol. 13Ang kanilang mga kalakal ay kanela, insenso, pamahid, kamangyan, alak, langis at pinong harina, trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo, mga karuwahe, mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao.
14At sasabihin nila:
Ang hinog na mga bunga na masidhing ninanasa ng iyong kaluluwa ay nawala sa iyo. Lahat ng matatabang bagay at ang mga maniningning na bagay ay nawala sa iyo. At kailanman ay hindi mo na makikita ang mga ito. 15Sapagkat natatakot sila sa pahirap sa kaniya, ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito ay tatayo sa malayo. Sila yaong mga yumaman dahil sa kaniya. Sila ay tatangis at magluluksa. 16At sasabihin nila: Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na naramtan ng kayong telang lino, ubeng tela at pulang tela. Ginayakan niya ang kaniyang sarili ng ginto, mamahaling mga bato at mga perlas. 17Ito ay sapagkat sa loob ng isang oras ang gayon kalaking kayamanan ay mauuwi sa wala. Ang lahat ng kapitan at lahat ng may mga tungkulin sa mga barko, at ang mga magdaragat at lahat ng mga mangangalakal sa dagat ay nakatayo sa malayo. 18Nang makita nila ang usok mula sa pagkakasunog sa kaniya, sinabi nila: Anong lungsod ang kasingdakila ng lungsod na ito? 19At sila ay nagbuhos ng alikabok sa kanilang mga ulo. Sila ay tumatangis at nananaghoy at sumisigaw na sinasabi: Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na nagpayaman sa atin. Tayo na may mga barko sa dagat ay yumaman dahil sa kaniyang kayamanan. Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak. 20O magalak ka langit dahil sa kaniya! At kayong mga banal at mga apostol at mga propeta ay magalak. Siya ay hinatulan ng Diyos para sa inyong kapakanan.
21Pagkatapos, isang malakas na anghel ang kumuha ng isang bato na katulad ng isang malaking gilingang bato. At inihagis niya ito sa dagat. Sinabi niya: Sa ganitong kabagsik na paraan, ihahagis ng Diyos ang dakilang lungsod ng Babilonya. At kailanman ay hindi na ito muling makikita. 22Wala nang sinumang makakarinig mula sa iyo ng tugtog ng mga manunugtog ng kudyapi, o mga musikero, o mga taga-ihip ng plawta o taga-ihip ng trumpeta. Wala nang manggagawa ang gagawa ng anumang pangangalakal sa iyo. Wala nang maririnig sa iyo na ingay ng gilingang bato. 23At ang liwanag ng isang ilawan ay hindi na magliliwanag sa iyo. Wala nang sinumang makakarinig sa iyo ng tinig ng lalaking ikakasal o tinig ng babaeng ikakasal. Ang iyong mga mangangalakal ay naging mga dakilang tao sa lupa. Iniligaw mo ang mga tao sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng iyong panggagaway. 24Sa kaniya ay natagpuan ng mga tao ang dugo ng mga propeta at mga banal. Natagpuan nila sa kaniya ang dugo ng lahat ng mga taong pinatay sa lupa.

No comments: